Home / Lifestyle / Ligaya, Tuwa, Galak, Saya Saka Etsetera, Etsetera

Ligaya, Tuwa, Galak, Saya Saka Etsetera, Etsetera

Ano ang Ligaya? Ang Ligaya’y ano?
Lakbay sa Boracay kahit walang Plano;
Makipag-inuman kay Pareng Pulano
Saka sa Barkadang sapin sa Impierno.
Lasa ng Pandesal
At Pan de Ubeng bagong hango sa Hurno.
Drawings ng Apo mo sa munting Cuaderno…

Ligaya ay ano? Ano ang Ligaya?
Magtampi-tampisaw doon sa Aplaya’
‘Sang-tasang Salabat na lunod sa Luya,
Kumending sa isang Awiting Masaya.
Pait sa Dila ng
Ginataang Gabi, Okra’t Ampalaya.
Linamnam sa Bibig ng Ubeng-halaya.

Ang Tuwa ay ano? Tuwa’y ano baga?
Sariwang Mais na inihaw sa Baga;
Sumpa ng Sweetheart mo na ikaw Talaga
Ang Kataling-pusong lubhang Mahalaga.
Hinugot sa Dibdib
Na lipos-nang-hapis na Buntung-hininga
Ng ulilang Batang ‘Tinakwil ng Ina…

Ang Galak ay ano? Ano ba ang Galak?
Isang Damajuanang Lambanog at Alak;
Aroma ng isang Rosas na Busilak
Sa loob ng Harding Masamyo’t Malawak.
Regalo sa Pasko
Ng Ninang mong laging Kuripot sa Pilak.
Jackpot sa Lotto ng isang Taong-hamak.

Ant Tuwa ay ano? Ano po ang Tuwa?
Sa patak ng Ulan, Maligo’t Mabasa;
‘Sang-Halik sa Pisngi, medyo pa may Hiya,
Ng Kalaguyo mong katali sa Sumpa.
Pagluhod sa Lupa
Sa NAIA ng Fil-Am na nag Balikbansa! –
Iyan, Kabayan ko, ang Buod ng Tuwa…!

 

Check Also

Five grocery and cooking tips for practical moms

By The Manila Times March 19, 2019 Filipino households love to eat together. Practically speaking, …